Maiintindihan Kaya ng mga Anak Niya?: Ang Pagkamatay ni Angelina Sayat
Published on March 17, 2022
Ang artikulo na ito ay tungkol sa isang Human Rights Violation Victim ng panahon ng Batas Militar. Para makita ang kabuuang listahan ng Roll of Victims, pindutin ang link na ito: Roll of Victims
Ang artikulo na ito ay pwede rin basahin sa Ingles. Pindutin ang link na ito para sa bersyon sa Ingles: Ingles.

Guhit ni Angelina Sayat noong siya’y buhay pa. Guhit ni Ray-an C. Coloma noong Marso 11, 2022.
Introduksyon
Malaki ang papel ng mga estatistika sa pag-uusap tungkol sa mga pang-aabuso ng rehimeng batas militar ni Ferdinand Marcos. Ilang tao ang pinatay o tinortyur, ilan ang pinaalis sa kanilang mga tahanan, ilan ang napilitang lumikas mula sa paghihirap at kapahamakan? Habang mahalaga na matukoy ang tamang estatistiko para sa bawat isa sa mga ito, mahalaga ring maunawaan na ang bawat isang numero ay sumisimbolo sa isang buhay na lubhang naapektuhan ng mga pangyayari. Hindi naibabahagi sa mga numerong ito ang mismong kuwento ng mga naging biktima ng rehimen. Marami sa mga ito ay hindi pa naririnig ng nakararami. Kaunti ang nakakaalam sa kanilang kamatayan, at mas kaunti pa sa kanilang naging buhay.
Ang kanyang istorya
Isang halimbawa rito ay si Angelina Sayat. Noong Oktubre 2014, nagpasa ng aplikasyon ang kaniyang anak na si Rina Cepillo sa Human Rights Victims’ Claims Board (HRVCB), at humihingi ng pagkilala at bayad-pinsala para sa kaniyang ina. Kasama sa kaniyang isinumite ang mga salaysay ng mga taong nakibahagi sa proseso ng paghahanap sa bangkay ni Angelina upang mabigyan ng hustisya ang kaniyang pagkamatay.[1]
Ayon sa ama ni Rina na si Marcianito Sayat, noong 1983, naitalaga si Angelina bilang miyembro ng isang Barrio Organizing team sa Norzagaray, Bulacan para bumisita, mangumusta at mag-organisa sa mga barriong kanilang nasasakupan.[2] Isang araw, nagsagawa ng raid ang Philippine Air Force sa isang bahay na binibisita ng grupo ni Angelina. Nang mauwi sa pagpapaputok ang raid na ito, si Angelina ay lubhang natamaan sa baywang. Iginiit niya sa kaniyang mga kasama na kailangan nila siyang iwan upang sila ay makalikás. Sinubukan nilang itago si Angelina sa isang ligtas na lugar, ngunit natagpuan pa rin siya dahil sa bakas ng kaniyang dugo. Sinundan ng kaniyang mga kasama ang utos ni Angelina na siya’y iwan nang makita nilang hindi rin niya kayang magpatuloy.[3]
Ayon sa mga saksi, isinalang siya sa matinding interogasyon at muling binaril, ngayon sa kanyang balikat, at hinampas ng upos ng riple matapos niyang tumangging sumagot sa kanilang mga tanong. Kalaunan ay dinala siya sa Villamor Air Base Hospital sa Maynila upang ipagpatuloy ang interogasyon. Sa gitna nito ay binawian ng buhay si Angelina. Mula sa simula ng interogasyon hanggang sa kaniyang pagkamatay, hindi niya inamin sa militar na siya ay isang miyembro ng New People’s Army (NPA). Pekeng pangalan din ang kaniyang ibinigay sa kanila.[4]

Pagguhit ng artista ng interogasyon at pangabusong pisikal kay Angelina Sayat sa Norzagaray noong 1983.
Guhit ni Ray-an C. Coloma noong Marso 9, 2022.

Larawan ni Angelina Sayat sa kanyang kabaong. Mula sa Filipino Women in Struggle (Task Force Detainees Metro Manila, 1984), p. 27.
Makalipas ang ilang linggo, natuklasan ng kaniyang kapatid na si Engracia Roque at biyenan na si Ruby Zara ang nangyaring engkuwentro. Kasama ng isang madre, si Sister Angie ng Task Force Detainees Metro Manila (TFD-MM), nagpunta sila sa Villamor Air Base upang hanapin ang kaniyang katawan, ngunit sila ay nabigo, at sinabihan lamang ng mga kawani ng ospital na wala na ang pasyenteng si “Ka Lina”. Matapos ang halos isang buwan ng paghahanap sa mga malalapit na ospital at punerarya, natagpuan nila ang kaniyang bangkay sa isang morge na na-embalsamo na. Nabigyan sila ng pahintulot upang maiuwi ang bangkay, na kanilang nilinis at inilagay sa murang kabaong para sa kaniyang libing.[5] Sina Engracia, Ruby at Sister Angie, kasama ang isang kaibigang misyonero, ang tanging nakasama sa burol ni Angelina sa Bagbag Cemetery sa Novaliches, dahil nangangamba sila sa mainit pang sitwasyon noon. Maging si Marcianito at ang dalawa nitong anak ay hindi nakadalo sa libing, maaaring dahil sa pagmamanman ng militar.[6]
Pagkamit ng Hustiya at ang pag-alala ng kanyang istorya
Nagsumikap ang asawa at mga anak ni Angelina upang makamit ang hustisya para sa kaniyang pagkamatay. Hinimok ni Marcianito na isama si Angelina bilang isa sa mga taga-sakdal sa Human Rights Litigation against the Estate of Ferdinand E. Marcos” (MDL No. 840, CA No. 88-0390). Sa kasawiang palad, siya ay kasama sa grupong para sa delisting, o ang mga binigyang pagpapakilala bilang biktima ng rehimen, ngunit hindi nakatanggap ng mga reparasyon o bayad-pinsala.[7] Isinumite ni Rina ang aplikasyon sa HRVCB sa kagustuhang maibigay sa kaniyang ina ang karampatang pagkilala.
Maraming bagay ang hindi natin batid tungkol kay Angelina Sayat. Ang maikukuwento lamang sa ngayon ay ang pagbabaril sa kaniya sa isang hindi armadong engkuwentro ng militar habang siya ay nagpapaabot lamang ng tulong sa mga tao sa mga baryo ng Norzagaray; na siya ay namatay sa ospital pagkatapos na sapilitang kuwestiyunin ng mga bumihag sa kanya. Hindi natin alam ang tungkol sa buhay na kaniyang pinagdaanan bago siya ay mamatay. Hindi natin alam kung bakit sumali si “Ka Lina” sa NPA, at iniwan ang kaniyang dalawang maliliit na anak upang sumama sa rebolusyon laban sa rehimen ni Marcos. Ilang bahagi lamang ng kaniyang kuwento ay mahihinuha sa sosyopulitikal na konteksto ng kaniyang buhay.
“Anong uri ng sistema ang nagtutulak sa mga pesanteng ina na iwan ang kanilang mga anak at magtungo sa kabundukan?” ang tanong ng TFD-MM, na nagsulat ng isang profile kay Angelina noong 1984. Tanong din nila, ukol sa mga anak ni Angelina, kung “maiintindihan kaya nila na ang ina nila ay nakipaglaban at namatay para sa maliliit na batang katulad nila? Mauunawaan kaya nila na ang kanilang ina ay naghangad na lumikha ng isang mas magandang mundo para sa kanilang paglaki? Kapag naunawaan nila ito, sino ang makakapigil sa kanila na ipagmalaki ang kanilang inang nanindigan sa kaniyang paniniwala hanggang kamatayan?”[8]
Maaaring nasagot na ni Rina ang mga tanong na ito. Isinulat niya na “kilalanin man [ang kanilang ina] o hindi, alam [nila] na nagsakripisyo at nagbuwis ng buhay ang [kanilang] ina sa paglaban sa mapanupil na Batas Militar ni Marcos noong 1972-1986.”[9]
Maraming mga biktima ng Batas Militar ang nagiging bahagi na lamang ng istatistika habang nabibihag ang ating kolektibang alaala ng kapanahunang ito dahil sa rebisyunismo at sa paglipas ng panahon. Gayunpaman, dapat nating tandaan na mayroon pa ring mga kuwentong tulad ng kay Angelina. Marami sa mga biktima ay mga Pilipinong nagdusa, naitulak sa bingit at napilitang humawak ng armas, at sa huli ay namatay para sa kanilang mga mithiin. Bagama’t kakaunti sa atin ang nakakaalam ng kanilang naging buhay, ito ang naging buhay nila gayunpaman, na siyang naging bahagi ng pakikibaka ng mga Pilipino. Ang mga alaala ni Angelina ay nabubuhay sa kaniyang pamilya. Nawa’y mabuhay din ang kanilang mga alaala sa atin.

Larawan ni Engracia Porto (Kaliwa) at Ruby Sayat (kanan) noong paglibing ni Angelina Sayat sa Bagbag Cemetery, Novaliches noong 1983.
Isinumite ni Rina Cepillo na kasama sa kanyang aplikasyon sa HRVCB para sa kanyang ina. Mula sa arkibo ng Human Rights Violations’ Victims Memorial Commission.
Tingnan din
Mga Sanggunian
[1] “Resolution” (Case No. 2014-4A-00288, Quezon City: 2014), nakuha mula sa arkibo ng Human Rights Violations Victims’ Memorial Commission.
[2] Maaring tinutukoy ni Marcianito rito ang mga barrio organizing committees na binubuo ng Communist Party of the Philippines at ng New People’s Army (CPP-NPA) sa iba’t ibang lugar sa bansa. Itinatatag ang mga barrio organizing committees pagkatapos makapagsagawa ng CPP-NPA ng imbestigasyon patungkol sa mga hinanaing at problema ng mga mamamayan sa isang partikular na lugar, at makapagtipon ng mga puwedeng maging miyembro. Preparasyon ito sa pagbubuo ng barrio revolutionary committee, na aktibong sinusubukang puksain ang mga nabanggit na mga hinanaing at problema. Tingnan ang: Amado Guerrero, “Summing Up Our Experience After Three Years,” Ang Bayan, March 3, 1972, accessed March 13, 2022, https://www.bannedthought.net/Philippines/CPP/1970s/SummingUpExperienceAfter3Years-720303.pdf.
[3] Marcianito Sayat, “Affidavit” (Case No. 2014-4A-00288, Quezon City: 2014), nakuha mula sa arkibo ng Human Rights Violations Victims’ Memorial Commission.
[4] Ibid.; Rina Cepillo, “Affidavit” (Case No. 2014-4A-00288, Quezon City: 2014), nakuha mula sa arkibo ng Human Rights Violations Victims’ Memorial Commission; Filipino Women in Struggle (Task Force Detainees Metro Manila, 1984), 25. Ang Villamor Air Base ay tinukoy bilang Nichols Air Base sa ikalawang sanggunian. Ang ibinigay niyang pangalan ay Lucille Cea, na kombinasyon ng pangalan ng isa niyang matalik na kaibigan at ng isang kamag-anak.
[5] Filipino Women in Struggle, 26; Sayat, “Affidavit;” Ruby Sayat Zara & Engracia Porto Roque, “Affidavit” (Case No. 2014-4A-00288, Quezon City: 2014), accessed through the archives of the Human Rights Violations Victims’ Memorial Commission. Nalaman nila sa isang Major Laserna na isang babaeng taga-NPA na nagngangalang Lucille Cea ang namatay sa kawalan ng dugo sa Villamor Air Base, ngunit itinuro sila upang maghanap na lang sa ibang lugar.
[6] Filipino Women in Struggle, 26-27; Zara & Roque, “Affidavit.” Ibinahagi rin ni Rina na ang kanyang ama ay isang buhay na alaala kung paano sila nakipaglaban noon, pahiwatig na maaaring humawak din ng armas si Marcianito kasama ang kanyang ina noong panahon ng Batas Militar. Marahil ito ang dahilan kung bakit hindi sila nakasama sa burol. Pagkatapos nito, karaniwang binibisita ni Marcianito at ng kanyang mga anak na sina Rina at Malaya ang puntod ni Angelina sa loob ng limang taon hanggang napagdesisyunan nilang sunugin ang kanyang bangkay noong Disyembre 1988 upang mailagay ang kanyang abo na mas malapit sa pamilya.
[7] Rina S. Cepillo kay Lina Sarmiento, Oktubre 28, 2014 (Case No. 2014-4A-00288, Quezon City: 2014), nakuha mula sa arkibo ng Human Rights Violations Victims’ Memorial Commission.
[8] Filipino Women in Struggle, 26-27. Hango mula sa Ingles: “What kind of a system pushes peasant mothers to leave their children and take to the hills?” and “Would they understand that their mama had fought and died for little children just like them? Would they understand that their mama sought to make a better world for them to grow up in? When the little children have understood, who can stop them from being proud of a mother who stood steadfast in her beliefs till death?”