Pag-alala sa Daet Massacre ng 1981
Ang artikulong ito na tungkol sa 1981 Daet Massacre ay mayroong mga istorya tungkol sa Human Rights Violations Vctims ng panahon ng Batas Militar. Para makita ang kabuoang Roll of Victims, tignan ito: Roll of Victims
Ang artikulong ito ay Part 1 ng isang serye ng artikulo tungkol 1981 Daet Massacre. Parabasahin ang part 2, pindutin ito: Daet Massacre Part 2 (FIL)
Para basahin ito sa Ingles, pindutin ang mga sumusunod: Daet Massacre Part 1 (EN) | Daet Massacre Part 2 (EN)

42 taon ang nakalipas, noong Hunyo 14, 1981, nagmartsa ang mga magniniyog sa Camarines Norte. Tumungo sila sa kapitolyo ng Daet upang magprotesta. Sila’y magpoprotesta laban sa sobrang babang presyo ng kopra at sa buwis sa niyog na tingin nila’y kinukurakot ng mga kapitalistang crony ni Marcos. Nananawagan din sila ng pagboykot ng halalan para sa pagkapangulo noong taong iyon.
Pinigil ang mga raliyista ng mga elemento ng Philippine Constabulary (PC), na nagsimulang magpaputok ng bala. Apat ang namatay at 40 hanggang 50 ang sugatan sa ngayo’y tinatawag na Daet Massacre. Naganap ito buwan lamang ang nakalipas matapos ianunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos ang pagpapawalang-bisa ng Batas Militar. Naging patunay ang masaker na patuloy ang pang-aabuso at karahasan ng rehimen.

Larawan ng 1982 Situationer na nilikha ng Bicol Concerned Citizens’ Alliance (BCCA), Task Force Detainees of the Philippines (TFDP) - Bicol Region, at Concerned Citizens for Justice and Peace (CCJP) tungkol sa Daet Massacre (pansinin ang taong nakalagay na 1982; naganap ang masaker noong 1981).
Larawan mula sa Bantayog ng mga Bayani Foundation noong June 10, 2021.
Ang "Pagpapawalang-bisa" ng Batas Militar
Balot ang Pilipinas ng pangamba at takot mula pa nang maideklara ang Batas Militar Setyembre ng 1972. Nagkaroon ng kapangyarihan si Marcos, sa pamamagitan ng Proklamasyon Blg. 1081, na mag-isyu at magpatupad ng batas, dekreto, utos, at regulasyon. Bukod pa rito, suportado rin siya ng sandatahang lakas ng bansa.[1] Oras matapos ang deklarasyon, napaaresto ni Marcos ang kanyang mga kritiko at karibal na pulitiko. Nailagay niya sa kapangyarihan bilang mga crony ang kanyang mga kaalyado. Naitalaga rin niya ang kanyang mga sundalo upang magpatrolya sa mga lansangan sa buong bansa.

Kuha mula sa deklarasyon ni Marcos ng pagpapawalang-bisa ng Batas Militar.
Kuha mula sa 0:17 ng “Lifting of Martial Law, January 17, 1981.” GovPH YouTube channel. Pebrero 11, 2016. Inakses Mayo 10, 2023
Humina ang puwersang oposisyon, ngunit hindi ito tuluyang naglaho. Mayroong mga kalauna’y nagkaroon ng tapang. Ipinahayag ng ilan ang kanilang pagtutol sa lumalaking bilang ng paglabag sa karapatang pantao. Partikular na rito ang maraming miyembro ng Simbahang Katoliko.[2] Noong 1981, darating si Pope John Paul II ng Pebrero 17 sa bansa. Dahil dito, kinailangan ni Marcos na solusyonan ito upang magpakita ng antas ng kapayapaan at kaayusan. Noong Enero 17, nilagdaan ni Marcos ang Proklamasyon Blg. 2045, na pormal na pinawalang-bisa ang Batas Militar. Sa kanyang talumpati, ibinida ni Marcos na naisakatuparan ng Bagong Lipunan ang mga layunin nito.[3]
Nanatili ang Kapangyarihan ni Marcos
Hindi sinalubong ng palakpakan ang pagtatapos ng Batas Militar, ngunit ng pag-aagam at pagdududa. Maraming naniniwala na seremonyal lamang ang ginawa ni Marcos, sapagkat hindi nawala ang kanyang kapangyarihan. Kasama sa Saligang Batas ang Art. XVII, Sek.[3]. Isinasaad dito na magiging bahagi ng batas ng lupain, at mananatiling may bisa, legal, at epektibo kahit na mapawalang-bisa ang Batas Militar ang lahat ng proklamasyon, kautusan, dekreto, instruksiyon, at batas na ipinahayag, inilabas, o ginawa ng nanunungkulan na Pangulo.[4]
Isang araw matapos ang Batas Militar, inilabas din ni Marcos ang Presidential Decree Blg. 1836, na nagbibigay sa kanya ng kapangyarihang mag-isyu ng mga Presidential Commitment Order (PCO).[5] Pinalakas pa ito ng Letter of Instruction Blg. 1125-A. Nagbigay awtoridad ito kay Marcos na mag-isyu ng PCO kahit walang umiiral na batas militar o hindi suspendido ang pribilehiyo ng writ of habeas corpus.
Ibig sabihin, malaya pa rin si Marcos magpatupad ng bagong dekreto, proklamasyon, at kautusan, habang nananatili ang mga luma. Sarado pa rin ang mga istasyon ng media. Kontrolado ng mga crony at kaalyado ni Marcos ang mga natitirang bukas na istasyon. Masasabing halos walang pagbabagong naganap.[7] Tuloy-tuloy ang paghihirap ng karamihan matapos ang seremonyal na pagtatanggal ng batas militar. Tuloy-tuloy din ang protesta hanggang dekada ‘80. Bukod sa pagtutol sa patuloy na abuso, pinaglalaban din ng mga nagpoprotesta ang kanilang kapakanan at karapatan. Kasama rito ang mga magsasaka ng niyog na nilalabanan ang sitwasyon ng industriyang dapat ay kapakipakinabang para sa kanila.
Cronyism sa Industriya ng Niyog
Noong 1973, sa pamamagitan ng P.D. No. 232, nilikha ni Marcos ang Philippine Coconut Authority (PCA) upang isulong ang paglago at pag-unlad ng industriya ng niyog at ibang kaugnay na industriya.[8] Dahil sa iba pang mga dekretong sumunod, nabigyang laya ang pamahalaan na kontrolin ang maraming aspeto ng industriya. Kasama na rito ang pagpopondo, pagtatanim, pagpoproseso, at pangangalakal nito. Higit pa sa lahat, inilagay ni Marcos si Juan Ponce Enrile, ang kanyang Minister of Justice, bilang puno ng PCA. Kasama ang isa pang crony, si Eduardo “Danding” Cojuangco, bilang board member, buo ang kontrol ni Enrile sa industriya. Ibinahagi ito ni Virgilio David, isang PC koronel na nagsilbing military administrator ng industriya.[9]
Susi rito ang tanyag na Coco Levy, buwis na ipinataw sa niyog, lalo na ang kopra. Nagsimula ito sa pamamagitan ng Batas Republika Blg. 6260 noong 1971. Dito nalikha ng pondong puhunan na nangangailangan ng kontribusyon na 55 sentabo kada 100 kilo na ibibigay sa tatlong institusyon. Ito ang Coconut Investment Company, ang Philippine Coconut Producers Federation (COCOFED), at ang PCA.
Ang Katotohanan ng Buwis
Gagamitin dapat ito upang suportahan ang mga magsasakang mayroong karampatang bahagi rito. Nang maipatupad ito, kabaliktaran ang nangyari. Mababa ang naging bayad sa ani ng mga magsasaka.[10] Upang matanggap ang kanilang bahagi ng pondo, dapat muna silang magrehistro ng matatanggap nilang resibo. Ayon kay David, 5% lamang ang nakakuha ng mga resibo, at sa mga ito, 28% lamang ang nakapagparehistro.[11]
Dahil dito, tiningnan ng karamihan ang Coco Levy bilang paraan upang kontrolin ang industriya at ubusin ang pondo. Sa kabila nito, hindi nakukuha ng mga magniniyog ang perang dapat kanila at pinahirapan pa sila ng bagsak na presyo ng kanilang produkto. Napunta sa PCA, na namahala sa koleksiyon, sa Coconut Investment Company, at iba pang organisasyong kontrolado ni Enrile at Cojuangco ang karamihan ng pondo. Higit pa, pumunta rin ito sa COCOFED, isang organisasyong para dapat sa kapakanan ng mga magniniyog.[12] Hirap ang mga magniniyog dahil labis na singil sa buwis at kulang ang kanilang kinikita.
Hindi nakapagtatakang dahil dito, galit ang mga magniniyog. Lumala ang sitwasyon at pumutok ang mga kilos-protesta. Laban ito sa mababang presyo ng kopra, sa Coco Levy, at sa mapanlinlang na COCOFED. Partikular na ang mga magniniyog sa Camarines Norte, kasama ang kanilang mga pamilya at kaalyado, na nagsagawa ng malawakang demonstrasyon noong Hunyo 14, 1981.
Bago ang Masaker
Nagsimula na ang mga protesta bago pa man dumating ang Santo Papa. Nangyari ang isang mapagbantang insidente noong Pebrero 1. Nagmartsa noon ang mga magsasaka mula Guinayangan, Quezon, papunta sa kanilang plaza upang kondenahin ang Coco Levy at COCOFED. Sinalubong sila ng mga sundalo na nagpaputok sa kanila. Dalawa ang agarang namatay at higit 20 ang sugatan. Hindi naging maingay sa balita ang tinaguriang Guinayangan Massacre. Binansagan pa nga itong engkuwentro laban sa New People’s Army (NPA). Dagdag patunay ito na hindi dapat magpakampante ang mga tao kahit “wala na” ang batas militar.[13]
Isang araw bago ang protesta sa Daet, naglalakad-lakad sa kanyang bahay si Benjamin Suyat. Tinanong siya ng anak kung ano ang bumabagabag sa kanya. Ibinahagi ni Suyat na magkikita sila ng mga kapwa magsasaka sa isang eskuwelahan malapit sa bahay nila sa Matnog, Camarines Norte. Dito na sila matutulog upang makalahok sa isang protesta kinabukasan. Bago umalis, nagbilin siya sa kanyang anak na alagaan ang nanay at mga kapatid nito.[14]
Sa kabilang kalye lamang, kausap ni Rogelio Guevarra ang kanyang manugang na lalaki tungkol sa pinaplanong protesta. Bagama’t gustong sumali ng kanyang manugang, tumanggi si Guevarra. Gusto niyang manatili ito upang bantayan ang kanilang pamilya, kasama ang kanyang anak na noo’y buntis. Umalis din si Guevarra, at bumalik lang maya-maya upang kumustahin ang kanyang pamilya. Nagbaon ng pagkain si Guevarra at sinabi sa kanyang asawa na magkakamay na lamang siya kaysa magdala pa ng kutsara’t tinidor.[15]
The Protests
Inimbita ang iba ng kapwa magsasaka para sumama. Nagkita-kita sila sa eskuwelahan at sa plaza kung saan sila natulog. Naghanda na rin sila ng pagkain para sa hapunan at umagahan.16 Ayon sa isang 1982 situationer, isang grupo lamang ito na nagpaplanong magsagawa ng protesta sa Bicol noong Hunyo 14, 1981. Ilang araw ito bago maganap ang halalan. May mga protesta rin sa Sipocot, Camarines Sur na dadaluhan ng 2,500; sa Iriga, Camarines Sur ng 1,000; at sa Daraga, Albay ng 2,000 pa. Inorganisa lahat ng ito ng Kilusang Mamamayan para sa Tunay na Demokrasya (KMTD).17
Bukod sa hinaing tungkol sa presyo ng copra, nananawagan din sila ng pagboykot sa paparating na eleksiyon. Unang eleksiyon ito sa loob ng mahigit isang dekada. Sa kabila nito, maraming naniniwala na gagamitin lamang ito ni Marcos upang panatilihin ang ilusyon na buhay ang demokrasya sa bansa. Kampante silang hindi matatalo si Marcos.
Ang Masaker

Ikalawang pahina ng 1982 Situationer na may paglalarawan ng mga magsasakang nagprotesta at ang naganap na barilan. Larawan mula sa Facebook Page ng History of the PAST’s Facebook Page noong Disyembre 23, 2018.
Alas-otso ng umaga, Hunyo 14, 1981, nagsimulang kumilos ang grupo mula sa Matnog, na binubuo ng 4,000 katao. Papunta silang Freedom Park malapit sa kapitolyo ng Daet, Camarines Norte. Dala-dala nila ang mga banderang nakalagay ang mga katagang “down with Cocofed! (pabagsakin ang Cocofed!),” “increase coconut/copra prices! (pataasin ang presyo ng niyog/kopra),” at “boycott fake elections! (i-boykot ang pekeng halalan!).”18 Batid ng mga raliyista ang posibleng pagharang sa kanila ng militar, dahil sa tumitinding militarisasyon sa Camarines Norte ng PC. Dalawang araw lang ang nakaraan, pinigilan ng mga sundalo ang mga 1,300 nagkikilos-protesta mula sa Labo at Paracale. Sa martsa mismong ito, mga 1,600 raliyista mula sa Mercedes at 500 pa mula sa Talisay ang sasama sa kanila. Naharang ang mga ito ng sundalo.[19]
Iniiwasan ng grupo ang normal na ruta upang maiwasan ang posibleng engkuwentro sa militar. Pagdating sa isang kalsada sa Brgy. Camambugan, isang dilaw na trak ng bumbero ang humarang sa kanilang daan. Kahit na hindi magandang senyales, dahil malapit na sila sa destinasyon, nagpatuloy sila. Habang sinusubukan nilang lampasan ang harang, gumalaw ang trak ng bumbero, at nakita nila ang paparating na trak ng militar na papalit sa kanila.
Bumuga ng tubig ang trak ng bumbero upang pagwatak-watakin ang mga raliyista. Hindi pa rin nagpatinag ang mga ito. Nagkapit-bisig sila at tumuloy sa pagmamartsa.[20] Nang makita ito, bumaba mula sa trak ang 35 miyembro ng PC-CHDF mula sa ika-242 na PC Company. Namuno sa mga sundalo ang isang tenyente koronel at isang kapitan. Agad nilang inutusan ang mga raliyista na “dapa!”21 Naaalala ni Jaime Molina, isa sa mga raliyista, na hindi sila umurong. Kinapkapan sila ng militar na naghahanap ng mga armas, ngunit kutsara lang ang nahanap.[22]

Alas-otso ng umaga, Hunyo 14, 1981, nagsimulang kumilos ang grupo mula sa Matnog, na binubuo ng 4,000 katao. Papunta silang Freedom Park malapit sa kapitolyo ng Daet, Camarines Norte. Dala-dala nila ang mga banderang nakalagay ang mga katagang “down with Cocofed! (pabagsakin ang Cocofed!),” “increase coconut/copra prices! (pataasin ang presyo ng niyog/kopra),” at “boycott fake elections! (i-boykot ang pekeng halalan!).”18 Batid ng mga raliyista ang posibleng pagharang sa kanila ng militar, dahil sa tumitinding militarisasyon sa Camarines Norte ng PC. Dalawang araw lang ang nakaraan, pinigilan ng mga sundalo ang mga 1,300 nagkikilos-protesta mula sa Labo at Paracale. Sa martsa mismong ito, mga 1,600 raliyista mula sa Mercedes at 500 pa mula sa Talisay ang sasama sa kanila. Naharang ang mga ito ng sundalo.[19]
Iniiwasan ng grupo ang normal na ruta upang maiwasan ang posibleng engkuwentro sa militar. Pagdating sa isang kalsada sa Brgy. Camambugan, isang dilaw na trak ng bumbero ang humarang sa kanilang daan. Kahit na hindi magandang senyales, dahil malapit na sila sa destinasyon, nagpatuloy sila. Habang sinusubukan nilang lampasan ang harang, gumalaw ang trak ng bumbero, at nakita nila ang paparating na trak ng militar na papalit sa kanila.
Bumuga ng tubig ang trak ng bumbero upang pagwatak-watakin ang mga raliyista. Hindi pa rin nagpatinag ang mga ito. Nagkapit-bisig sila at tumuloy sa pagmamartsa.[20] Nang makita ito, bumaba mula sa trak ang 35 miyembro ng PC-CHDF mula sa ika-242 na PC Company. Namuno sa mga sundalo ang isang tenyente koronel at isang kapitan. Agad nilang inutusan ang mga raliyista na “dapa!”21 Naaalala ni Jaime Molina, isa sa mga raliyista, na hindi sila umurong. Kinapkapan sila ng militar na naghahanap ng mga armas, ngunit kutsara lang ang nahanap.[22]
Dala ng mga nagmamartsa, na karamiha’y magsasasaka lamang, ang kanilang mga asawa, kamag-anak, at kahit anak. Laking gulat nila nang maglabas ng riple ang mga sundalo at magpaputok sa kanila. Si Molina ang unang binaril at tinamaan ng kapitan sa may ilalim ng kanang tainga at lumabas sa kaliwang panga.[23] Nahimatay si Molina. Nang magising, nakita na lamang niya ang kanyang mga kasamahan sa lupa. Marami sa kanila ang sugatan. Narinig ni Molina ang utos ng mga sundalo na wala dapat matirang buhay. Dahil dito, nagpanggap siyang patay.[24]
Inutusan ng mga sundalo ang mga buhay pa na lumuhod at ilagay ang kamay sa likod ng ulo. Handa na silang bitayin nang humarang si Grace Vinzons Magana, coordinator ng KMTD. Nakiusap ito sa mga sundalo na tumigil at kinastigo sila. Sigaw niya: “Bakit kayo bumaril sa mga taong walang armas at walang kalaban-laban?! Sana binigyan ninyo sila ng armas!”[25]
Matapos nito, tumigil na ang mga sundalo. Pinayagan nilang umalis ang mga nakaligtas. Isinakay naman sa sasakyan ang mga sugatan at mga patay upang dalhin sa ospital. Kahit na saglit lamang ang barilan, sistematiko ito. Apat na raliyista ang namatay at mahigit 40 hanggang 50 ang sugatan. Naikuwento ng mga nakaligtas ang nangyari, at agarang itinuro ang tenyente koronel at kapitang nag-uutos sa mga sundalo.[26] Napag-alaman din ng pamilya ng mga biktima ang nangyari. Kinundena ang pagpatay sa kanilang mga mahal sa buhay, na ipinaglalaban lamang ang kanilang kabuhayan.
Ang artikulong ito ay Part 1 ng isang serye ng artikulo tungkol 1981 Daet Massacre. Parabasahin ang part 2, pindutin ito: Daet Massacre Part 2 (FIL)
Mga Sangunian
[1] “Proclamation No. 1081, s. 1972,” Official Gazette of the Philippines, Setyembre 21, 1972, inakses Mayo 4, 2023. Ilang araw ang makalipas, pinirmahan ni Marcos ang General Order No. 1, na nagbigay kapangyarihan sa kanyang mamuno sa operasyon ng buong pamahalaan, kasama lahat ng ahensya’t instrumento nito. Sa ibang salita, nagkaroon ng kapangyarihan si Marcos sa lahat ng sangay ng pamahalaan.
[2] Manuel L. Quezon III, “The Road to EDSA: The Fabric of Freedom,” Today Newspaper, Pebrero 25, 1996, inakses Mayo 4, 2023, na-repost sa Tumblr account ni Quezon.
[3] Robert L. Youngblood, “The Philippines in 1981: From “New Society” to “New Republic”,” Asian Survey 22, no. 2 (1982): 226, 229, inakses Mayo 4, 2023, doi:10.2307/2643950; “Proclamation No. 2045, s. 1981,” Official Gazette of the Philippines, Enero 17, 1981, inakses Mayo 4, 2023.
[4] “1973 Constitution,” Official Gazette of the Philippines, 1973, inakses Mayo 4, 2023. Orihinal mula sa Ingles: “…all proclamations, orders, decrees, instructions, and acts promulgated, issued, or done by the incumbent President shall be part of the law of the land, and shall remain valid, legal, binding, and effective even after the lifting of the Martial Law.”
[5] “Presidential Decree No. 1836, s. 1981,” Official Gazette of the Philippines, Enero 16, 1981, inakses Mayo 4, 2023. Ayon sa Sek. 1, sa panahon ng batas militar o kapag suspendido ang pribilehiyo ng writ of habeas corpus, maaaring maglabas ang Pangulo ng mga commitment order sa sinumang tao kung tingin niya’y kinakailangan ito para sa kaligtasan ng publiko at bilang paraan upang masugpo ang isang pagsalakay, paghihimagsik, o napipintong panganib.” Ayon sa Sek. 2, maaaring mapiit ang naaresto hanggang ipag-utos ang pagpapalaya dito.
[6] “Letter of Instruction No. 1125-A, s. 1981,” Official Gazette of the Philippines, Mayo 25, 1981, inakses Mayo 4, 2023. Ayon sa Sek. 4, maaaring mag-isyu ang Pangulo ng commitment order at mapiit ang inaakusahan hanggang matapos ang kaso o palayain ito ng Pangulo o ang kumakatawan dito.
[7] Jesucita Sodusta at Artemio Palongpalong, “The Philippines in 1981: Normalization and Instability,” Southeast Asian Affairs, 1982, 285-86, inakses Mayo 4, 2023. .
[8] “Presidential Decree No. 232, s. 1973,” Official Gazette of the Philippines, Hunyo 30, 1973, inakses Mayo 4, 2023. Orihinal mula sa Ingles: “to promote accelerated growth and development of the coconut and other palm oils industry.” Mas kilala na ito ngayon sa kolokyal na tawag na PHILCOA.
[9] Ricardo Manapat, Some are Smarter than Others: The History of Marcos’s Crony Capitalism, annotated edition (Quezon City: Bughaw, an imprint of Ateneo de Manila University Press, 2020), 155. Ayon kay David, ang industriya ng niyog ang pinakamahalagang industriya sa bansa, dahil ito ang pinagkakakitaan ng isang-katlo ng populasyon at sumasakop sa isang ikaapat ng total na lupang sakahan ng bansa.
[10] Ibid., 153, 156. Ayon sa saliksik ni David, lumaki rin ang koleksiyon sa mga sumunod na taon, hanggang umabot ito sa $13.00 kada 100 kilo. Sa tumbas na P7 kada $1, umabot sa P90 ang koleksiyon. Mula 1977 hanggang 1981, nanatili ang buwis ng mga $10, o humigit-kumulang P70.
[12] Ibid., 159-62, 166-74. Dahil sa P.D. No. 961, na naglikha sa Coconut Industry Investment Fund, gamit ang buwis na dapat para sa magsasaka, nakabili ng bangko si Cojuangco, na kalauna’y nakilala bilang United Coconut Planters Bank (UCPB), pati ibang mga kumpanya at mills.
[13] Ma. Ceres P. Doyo, “Martial law massacres,” Philippine Daily Inquirer, Setyembre 22, 2016, inakses Mayo 4, 2023; Pumipiglas: Detention and Military Atrocities in the Philippines, 1981-1982 (Quezon City: Task Force Detainees of the Philippines, 1986), 94, piling mga pahina inakses mula sa arkibo ng Human Rights Violations Victims’ Memorial Commission. Bahagi si Doyo ng lathalaing ito. Ayon sa unang sanggunian, 27 ang sugatan; 21 naman ayon sa ikalawa.
[14] Salaysay ng claimant (Case No. 2014-5D-00732, Quezon City, 2014), inakses mula sa arkibo ng Human Rights Violations Victims’ Memorial Commission.
[15] Salaysay ng claimant (Case No. 2014-5D-00736, Quezon City, 2014), inakses mula sa arkibo ng Human Rights Violations Victims’ Memorial Commission.
[16] Salaysay ng mga claimant (Case Nos. 2014-5D-00728, 2014-5D-00741, 2014-5D-00742, 2014-5D-00743, 2014-5D-00928, Quezon City, 2014), inakses mula sa arkibo ng Human Rights Violations Victims’ Memorial Commission.
[17] “Massacre in Camarines Norte,” sa “1982 Situationer,” Bicol Concerned Citizens’ Alliance, Task Force Detainees of the Philippines – Bicol Region, and Concerned Citizens for Justice and Peace, 1982, 14-15, inakses mula sa arkibo ng Human Rights Violations Victims’ Memorial Commission. Inilimbag ang situationer ng Bicol Concerned Citizens’ Alliance (BCCA), Task Force Detainees of the Philippines (TFDP) – Bicol Region, at Concerned Citizens for Justice and Peace (CCJP)
[18] Ibid; Witness’ affidavit,” (Case No. 2014-5D-00744, Quezon City, 2014), , inakses mula sa arkibo ng Human Rights Violations Victims’ Memorial Commission; “Resolution,” Claimants et al v. Lt. Colonel, Captain and John Does, I.S. No. 96-5959 (1996), inakses mula sa arkibo ng Human Rights Violations Victims’ Memorial Commission. Binago ang mga pangalan ng sanggunian para sa data privacy at alinsunod sa pamantayan ng Human Rights Victims’ Claims Board (HRVCB) sa pagsasapribado ng pangalan ng mga salarin. Ayon sa resolusyon, mayroong mga 3,000 nagmartsa. Parehas itong tantya lamang dahil sa dami ng mga lumahok. Dagdag pa, ipapaliwanag din na marami sa kanila ang hinarang papuntang Freedom Park
[19] “Massacre in Camarines Norte,” 15. Sinubukang tumakas ng mga raliyista sa Mercedes, pero 300 lamang ang nakatakas at nakasali sa ibang mga raliyista. Napilitang umuwi ang iba.
[20] Salaysay ng claimant (Case No. 2014-5D-00723, Quezon City, 2014), inakses mula sa arkibo ng Human Rights Violations Victims’ Memorial Commission.
[21] Salaysay ng mga claimant (Case Nos. 2014-5D-00728, 2014-5D-00741, 2014-5D-00742, 2014-5D-00743, 2014-5D-00928, Quezon City, 2014); “Massacre in Camarines Norte,” 16.
[22] Salaysay ng mga claimant (Case Nos. 2014-5D-00728, 2014-5D-00741, 2014-5D-00742, 2014-5D-00743, 2014-5D-00928, Quezon City, 2014). Tulad ng nabanggit kanina, hindi nagdala ng kutsara at nagkamay na lang si Guevarra para kumain. Naniniwala silang maaaring tanawin na armas ang tinidor o iba pang utensil, kaya kutsara lang ang dala ng karamihan at maraming nagkamay.
[23] “Massacre in Camarines Norte,” 16.
[24] Salaysay ng mga claimant (Case Nos. 2014-5D-00728, 2014-5D-00741, 2014-5D-00742, 2014-5D-00743, 2014-5D-00928, Quezon City, 2014).
[25] Ibid.; “Alcantara, Jose Esteban,” Bantayog ng mga Bayani, Hulyo 6, 2015, inakses Mayo 4, 2023. Parehas ang impormasyong nilalaman ng mga pahina sa Bantayog ng mga Bayani website para sa mga biktimang sina Alcantara, Guevarra, Lagarteja, at Suyat.
[26] “Resolution,” Claimants et al v. Lt. Colonel, Captain, and John Does, I.S. No. 96-5959 (1996).