Sa Pag-alala kay Trifonio Non Andres
Si Trifonio N. Andres ay isang Human Rights Violations Victim (HRVV) ng panahon ng Batas Militar na binigyan ng 10 puntos. Para basahin ang kabuuang listahan ng mga HRVV na nabigyan ng 10 puntos, maari niyong pindutin ang susunod na link: 10 Points. Para basahin ang kabuuang Roll of Victims, pindutin ang sumusunod: Roll of Victims
Ang artikulong ito ay maaring basahin sa Ingles. Para basahin ito sa Ingles, pindutin ang sumusunod na link: Trifonio Non Andres (ING)

Ipinanganak sa Lungsod ng Koronodal, South Cotabato, si Trifonio Non Andres, o kilala rin bilang Ponyong.[1] Sa panahong laganap ang militarisasyon at pagsupil sa mga karapatang pantao, nagpamalas ng malasakit si Trifonio sa mga kapos-palad sa sa kanyang pakikisangkot sa laban para sa kaparatang pantao. Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon, mabilisan ding natapos ang kanyang pakikibaka para sa karapatang pantao nang dukutin at patayin siya ng mga puwersa ng pamahalaan.[2]
Sa kanyang pamumuhay bilang isang seminarista sa Lungsod ng Davao, sinuportahan ni Trifonio ang mga magsasakang nawalan ng lupang sakahan, mga katutubo, at mga manggagawang mababa ang sahod. Para kay Trifonio, hustisya ang pinakasimpleng anyo ng pag-ibig. Kinondena niya ang kawalan ng pag-ibig at ang pamamayani ng pera, kapangyarihan, katanyagan sa pamayanan.[3] Hinimok niya ang lahat na magsumikap na matamo ang katarungan para sa lahat upang madama ang tunay na pag-ibig para sa bawat isa.
Sa kabila ng panganib sa kanyang buhay, nagsilbing volunteer si Trifonio para sa Task Force Detainees of the Philippines (TFDP) at Citizen’s Council for Justice and Peace (CCJP) sa Davao. Sa kasamaang palad, nadawit si Trifonio sa isang operasyon ng militar nang maakusahan siyang kabilang sa isang sagupaan laban sa puwersa ng gobyerno.
Noong 1983, bumisita si Trifonio sa pamamahay ni Pastor Ruben Ong-oy.[4] sa Libungan, Hilagang Cotabato upang dumalo sa kasal ng kanyang mga kaibigan na sina Emmanuel at Agnes Sagaral. Kabilang sa mga bisita sa pagdiriwang na ito sina Leoncio “Jun” Evasco, Jr.[5], Rev. Reuben Genotiva,[6] at Rev. Ben Barloso[7] Habang nagsisimula ang pagdiriwang, mahigit limampung miyembro ng Philippine Constabulary at Philippine Army ang sumalakay sa bahay at dinukot ang ilang mga bisitang lalaki. Tinakpan ang kanilang mga mata at bibig bago sila dinala sa isang kampo ng militar sa Libungan.[8] Isinagawa ang nasabing operasyon batay sa umano’y imbestigasyon ng military sa isang natagpuang taláarawan ng napatay na rebelde. Nakasaad daw dito na mayroong pagpupulong ang mga lider ng komunista na gaganapin sa Libungan.[9] Kasunod nito, dinala sa Lungsod ng Davao sina Trifonio, Celso Maghanoy, Clemente Espina, at Geracleo Paquera.[10]
Sa panahong laganap ang sapilitang pagkawala ng mga taong tumututol sa pamahalaan, inakusahan silang apat na sangkot sa isang engkwentro sa militar.[11] Pinaniniwalaang isang unit commander ng New People’s Army ang isa sa mga inakusahan.[12] Dinala ang grupo sa Metrodiscom Headquarters sa Lungsod ng Digos na kung saan sila pinatay.[13] Natagpuan ang kanilang mga bangkay sa isang mababaw na libingan sa Digos.[14] Makikita sa mga bangkay ang pagkaranas ng pang-aabuso. Kabilang na rin ang mga tama ng baril sa dibdib ni Trifonio.[15] Pinalabas ng militar na tila lumaban sina Trifonio at ang kanyang mga kasamahan upang bigyang-katwiran ang pagkakapatay sa kanila.
Mga Sangunian
[1] “Andres, Trifonio “Ponyong” Non,” Bantayog ng mga Bayani, inakses Agosto 02, 2023.
[3] Bantayog ng mga Bayani. Salin mula sa Ingles: “Justice is the minimum of love.”
[4] Si Pastor Ruben Ong-oy ay dating pari mula sa United Church of Christ in the Philippines.
[5] Si Leoncio “Jun” Evasco Jr. ay nagsilbi bilang Kalihim ng Gabinete noong panahon ng Administrasyong Duterte mula 2016-2018. Siya ay isang ordinadong pari noong 1970, bago sumapi sa New People’s Army (NPA) noong 1974.
[6] Si Rev. Reuben Genotiva ay bahagi ng Roll of Victims. Ang kanyang kuwento ay kasama sa isang publikasyong pinamagatang That We May Remember, na naglalahad ng mga kuwento ng mga miyembro ng simbahan na lumaban sa panunupil at naging biktima mismo.
[7] Si Rev. Ben Barloso ay bahagi rin ng Roll of Victims. Tulad ni Rev. Genotiva, ang kuwento ni Rev. Barloso ay kasama sa isang publikasyong pinamagatang That We May Remember, na naglalahad ng mga kuwento ng mga miyembro ng simbahan na lumaban sa panunupil at naging biktima mismo; Promotion of Church People’s Rights, That We May Remember (Quezon City: Promotion of Church People’s Rights, 1989), 207-208.
[8] “Me and Martial Law, Last of 4 Parts,” Asian Correspondent, Septyembre 29, 2012, inakses Agosto 02, 2023, nakses mula sa arkibo ng Human Rights Violations Victims’ Memorial Commission. Ginamit ng claimant ang artikulong ito bilang kalakip ng kaniyang aplikasyon sa Human Rights Victims’ Claims Board, ngunit hindi na aktibo ang website.
[9] That We May Remember (1989).
[10] Affidavit ng claimant (Case No. 2014-14-14231, Quezon City, 2014).
[12] “Me and Martial Law,” Asian Correspondent.
[13] Affidavit ng claimant (2014).