Rebisyonismong Pangkasaysayan and Mga Perspektibo sa Kasaysayan

Ang artikulong ito na tungkol sa rebisyonismong pangkasaysayan at ang kanyang perspektibo ay mayroong Ingles na bersyon. Para basahin ito a Ingles, pindutin sumusunod na link: Artikulo sa Ingles

Inilathala noong Mayo 10, 2023

Kasaysayan Lamang ng Nagwagi?

Protesters wearing masks of Imelda and carrying placards, one of which reads “#NeverForget No To Historical Revisionism,” during a rally marking the anniversary of Martial Law. Photo by AP/Aaron Favila. Taken from Business Mirror website Filipino Translation: Mga nagkikilos-protestang nakasuot ng maskara ni Imelda at may dala-dalang plakard – sa isa ay nakasulat ang “#NeverForget No To Historical Revisionism” – sa isang rali bilang paggunita sa anibersaryo ng Batas Militar. Larawan ni AP/Aaron Favila. Nakuha mula sa Business Mirror

Mga nagkikilos-protestang nakasuot ng maskara ni Imelda at may dala-dalang plakard – sa isa ay nakasulat ang “#NeverForget No To Historical Revisionism” – sa isang rali bilang paggunita sa anibersaryo ng Batas Militar. Larawan ni AP/Aaron Favila. Mula sa Business Mirror

Patuloy na bumabagabag sa Pilipinas ang isyu ng rebisyonismong pangkasaysayan, partikular na sa pagtalakay sa panahon ng Batas Militar ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, kung kailan libu-libo ang pinatay, ikinulong o pinahirapan, milyon-milyon ang naghihirap sa kahirapan[1], habang bilyon-bilyon ang ninakaw sa kaban ng bansa. Nililinis ito ng isang bagong naratibo – isang naratibong nagbibigay-katwiran o tumatanggi sa mga abusong naganap, habang pinupuri si Marcos sa pangunguna sa Pilipinas sa kanyang “golden age”.

Isang karaniwang argumento ng mga sumusuporta sa maka-Marcos na kasaysayan ay ang argumentong dahil sila ay sapilitang pinalayas ng bansa, hindi wastong napakinggan at napag-aralan ang kanilang perspektibo. Ito, ayon sa kanila, ay nagdudulot ng isang hindi patas na pagsusuri at awtomatikong ipinipinta ang panahon ng Batas Militar sa negatibong pamamaraan. Nag-aalok naman sila ng mga pananaw na maaari umanong magpaliwanag sa yaman ng mga Marcos at magbigay-katwiran sa mga aksyon at desisyon ni Marcos, kabilang na ang deklarasyon ng Batas Militar.

Ang pananaw na ang kasaysayan na isinulat lamang ng mga nagtagumpay (history is written by the victors) ay isang argumento na maaaring nagtataglay ng katotohanan. Ang kasaysayan ay madalas na isinulat ng mga nagwagi sa isang tunggalian na maaaring sadya o hindi sadyang napapalinis sa kanilang mga salaysay. Gayunpaman, dapat mayroong kaibhan sa pagitan ng rebisyonismong pangkasaysayan na ginawa sa wastong paraan, at rebisyonismong umaasa sa disimpormasyon, maling interpretasyon, o sa pagtatatwa sa katotohanan.

Ang Rebisyonismong pangkasaysayan at Negasyonismo

Ang kasaysayan ay hindi permanente; bagkus, ito ay dinamiko. Tinutukoy ito ni James McPherson, isang historyador, bilang isang “patuloy na dayalogo sa pagitan ng kasalukuyan at nakaraan”.[2] Maaaring dapat mapagtanto na ang mga konklusyon ng kasaysayan ay hindi ganap, at bahagi ng tungkulin ng isang historyador na patuloy na hamunin ang mga konklusyon ng kasaysayan. Dahil maaaring may bagong impormasyon na magbabago sa ating kolektibong pag-unawa sa nakaraan, ang rebisyonismong pangkasaysayan mismo ay hindi likas na mabuti o masama. Sa katunayan, mahalagang bahagi ito sa tungkulin ng mga historyador. Nagbibigay-daan ito para mapag-aralan at masuri ang iba’t ibang bersyon at pananaw ng kasaysayan sa wastong paraan.[3]

Dahil sa kahalagahan nito, kilala ito bilang positibong rebisyonismong pangkasaysayan (positive historical revisionism). Subalit, sa konteksto ng Pilipinas, ang terminong “rebisyonismo” ay madalas na ikinakabit sa mga negatibong konotasyon. Karaniwang tumutukoy ito sa negatibong rebisyonismong pangkasaysayan (negative historical revisionism), na nangyayari kapag may pagtatangka na baguhin ang mga salaysay sa kasaysayan nang hindi sumusunod o tinatalikdan ang tamang pamamaraan ng historyograpiya. Ginagawa ito ng mga indibiduwal, tulad ng mga historyador na may malisyosong motibo, mga oportunistang pulitiko, at ibang mga personalidad, upang isulong ang kanilang adyenda na ipalaganap ang kanilang sariling mga pananaw at itanggi ang mga pananaw ng mga hindi nila sinasang-ayunan.[4]

Pagdating sa pag-aaral ng Kasaysayan ng Batas Militar, madalas na nagiging katunggali ang negasyonismong pangkasaysayan (historical negationism). Partikular dito ang pagtatanggi sa nakatatag na mga naratibo at pagbabaluktot ng mga katotohanan.[5] Katwiran ng mga apologist at loyalista ni Marcos na mayroon silang katibayan na magpapatunay na ang kuwento ng Batas Militar ay batay sa kasinungalingan at katha lamang na naglayong pabagsakin ang mga Marcos. Tugon naman ng mga historyador at mga kritiko ni Marcos na ang batay sa kasinungalingan at kathang-isip ay ang mismong katibayan na kanilang sinasabi, dahil ang umiiral na naratibo ay batay sa masusing pananaliksik ng mga katotohanan sa loob ng ilang dekada.

Maraming paraan ang pagtatangka ng negatibong rebisyonismong pangkasaysayan o negasyonismo. Isa na rito ay ang simpleng “pagpili” sa mga katotohanan na sumusuporta sa kanilang argumento habang binabalewala ang mga hindi. Maaari ring baluktutin ng isang tao ang mga katotohanan upang umangkop sa kanilang interpretasyon, sa pamamagitan ng maling pagsasalin o maling pagbibigay-kahulugan sa mga batis, o ang pagmamanipula ng istatistikal na datos. Higit na malisyoso pa rito, maaaring lumikha mismo ng mga ebidensya o salaysay ang mga tao upang palakasin ang kanilang argumento.

denayalismong pangkasaysayan

 Image 2 of Historical Revisionism Article Author and Holocaust denier David Irving holding a copy of his controversial book
Manunulat at tumatanggi sa Holocaust na si David Irving, hawak ang kopya ng kontrobersyal niyang libro, ang “Hitler’s War,” habang kausap ang mga reporter noong 2006. Larawan ng Reuters/Heinz-peter Bader kuha mula Pebrero 20, 2006. Mula sa NBC News.
Kapag, sa kabila ng lahat ng mga katibayan, pinipili pa rin na maniwala na ang mga Marcos ay walang ill-gotten wealth, sila ay nakikibahagi na sa mas angkop na tawaging denayalismong pangkasaysayan (historical denialism). Ganoon din ang ginagawa nila kapag sinasabing ang administrasyong Marcos ang nagpasimula ng golden age ng Pilipinas, sa kabila ng lahat ng ebidensya na nagpapatunay ng kabaligtaran.[6] Anyo ito ng pagbaluktot ng kasaysayan kung saan ang mga katotohanan ay hindi lamang binabaluktot, bagkus ay tahasang itinatanggi na. Isa sa mga pinakakilalang halimbawa ay ang denayalismo ng Holocaust. Ang Holocaust, ang malawakang pagpatay ng higit sa anim na milyong Hudyo ng Europa na sinakop ng Nazi, ay isang makasaysayang pangyayari na may saganang ebidensyang nagpapatunay dito. Sa kabila nito, mayroon pa ring ilan na naniniwalang hindi nangyari ang Holocaust. Ang isa sa mga nangungunang tagapagtaguyod nito, si David Irving, ay dating isang kilalang historyador tungkol sa Nazi Germany.[7] Ang kanyang paninindigan sa Holocaust, na makikita sa kanyang aklat, Hitler’s War, mula sa 1977 na bersyon nito hanggang sa 1991 na bersyon, ay nagbagong anyo. Noong una, kinikilala niya ang Holocaust ngunit pinapawalang-sala si Hitler at minamaliit ang sa dami ng mga napatay, hanggang sa kalauna’y tiyak na tinutukoy na lamang niya ang Holocaust bilang isang mito.[8] Ang kanyang posisyon ay binatikos ng maraming historyador, kabilang si Deborah Lipstadt sa kanyang 1993 na aklat na Denying the Holocaust: The Growing Assault on Truth and Memory.[9] Bilang sagot, idinemanda ni Irving si Lipstadt at ang kanyang mga publisher, at sinabing ang akusasyon ni Lipstadt ay sumisira sa kanyang reputasyon. Noong 2000, si Sir Charles Gray, ang namumunong hukom, ay nagpasyang pabor kay Lipstadt. Kanyang sinabi na “si Irving ay naudyukan ng isang pagnanais na maglahad ng mga kaganapan sa paraang naaayon sa kanyang sariling ideolohiya, kahit na kinakailangan nito ang pagbabaliktot at manipulasyon ng mga ebidensyang pangkasaysayan”.[10] Nahatulan si Irving kalaunan sa Austria dahil sa kanyang pagtatanggi sa Holocaust.[11]

Manunulat at tumatanggi sa Holocaust na si David Irving, hawak ang kopya ng kontrobersyal niyang libro, ang "Hitler's War," habang kausap ang mga reporter noong 2006. Larawan ng Reuters/Heinz-peter Bader kuha mula Pebrero 20, 2006. Mula sa NBC News

Kapag, sa kabila ng lahat ng mga katibayan, pinipili pa rin na maniwala na ang mga Marcos ay walang ill-gotten wealth, sila ay nakikibahagi na sa mas angkop na tawaging denayalismong pangkasaysayan (historical denialism). Ganoon din ang ginagawa nila kapag sinasabing ang administrasyong Marcos ang nagpasimula ng golden age ng Pilipinas, sa kabila ng lahat ng ebidensya na nagpapatunay ng kabaligtaran.[6] Anyo ito ng pagbaluktot ng kasaysayan kung saan ang mga katotohanan ay hindi lamang binabaluktot, bagkus ay tahasang itinatanggi na.

Isa sa mga pinakakilalang halimbawa ay ang denayalismo ng Holocaust. Ang Holocaust, ang malawakang pagpatay ng higit sa anim na milyong Hudyo ng Europa na sinakop ng Nazi, ay isang makasaysayang pangyayari na may saganang ebidensyang nagpapatunay dito. Sa kabila nito, mayroon pa ring ilan na naniniwalang hindi nangyari ang Holocaust. Ang isa sa mga nangungunang tagapagtaguyod nito, si David Irving, ay dating isang kilalang historyador tungkol sa Nazi Germany.[7] Ang kanyang paninindigan sa Holocaust, na makikita sa kanyang aklat, Hitler’s War, mula sa 1977 na bersyon nito hanggang sa 1991 na bersyon, ay nagbagong anyo. Noong una, kinikilala niya ang Holocaust ngunit pinapawalang-sala si Hitler at minamaliit ang sa dami ng mga napatay, hanggang sa kalauna’y tiyak na tinutukoy na lamang niya ang Holocaust bilang isang mito.[8]

Ang kanyang posisyon ay binatikos ng maraming historyador, kabilang si Deborah Lipstadt sa kanyang 1993 na aklat na Denying the Holocaust: The Growing Assault on Truth and Memory.[9] Bilang sagot, idinemanda ni Irving si Lipstadt at ang kanyang mga publisher, at sinabing ang akusasyon ni Lipstadt ay sumisira sa kanyang reputasyon. Noong 2000, si Sir Charles Gray, ang namumunong hukom, ay nagpasyang pabor kay Lipstadt. Kanyang sinabi na “si Irving ay naudyukan ng isang pagnanais na maglahad ng mga kaganapan sa paraang naaayon sa kanyang sariling ideolohiya, kahit na kinakailangan nito ang pagbabaliktot at manipulasyon ng mga ebidensyang pangkasaysayan”.[10] Nahatulan si Irving kalaunan sa Austria dahil sa kanyang pagtatanggi sa Holocaust.[11]

Ang Pagtugon sa Negasyonismo at Pagkikiling

Ginagamit ng negasyonismo ang mga damdamin at paniniwala ng mga tao. Tulad na mahirap na pagtanggap sa rebisyonismo, mahirap rin tanggapin ang hindi komportableng katotohanan ng kasaysayan. Maaaring magtulak ng mas katanggap-tanggap, bagamat mali, na naratibo ang mga ayaw maniwala sa mga hindi komportableng katotohanang ito. Ang mga hindi naman nagnanais humiwalay sa kasalukuyang dominanteng naratibo ay malamang tatanggihan din ang ibang naratibo. Maraming mga pagtatangka sa negasyonismo ay mahirap panindigan dahil nakabatay ito sa kasinungalingan o manipuladong ebidensya, ngunit sila’y nananatili dahil sila ay umaayon sila sa mga biases o pagkikiling at kumukumpirma sa mga paniniwala ng mga tao.

Minsang itinanong ng historyador na si Teodoro Agoncillo kung “anong kasaysayan ang hindi pinapanigan?” at hinamon na pakitaan siya ng isang historyador na walang kinikilingan. Kanyang kinatwiran na “ang kasaysayan ay hindi kailanman obhetibo.” “Ang kasaysayan ay isinulat ng bawat henerasyon. Ang bawat henerasyon ay nagsusulat ng sarili nilang kasaysayan gamit ang parehong mga sanggunian. Ang mga interpretasyon ay nag-iiba ayon sa panahon,” dagdag pa niya.[12]

Ang ating sariling mga bias at moralidad ay makikita sa kung paano natin naaalala ang ating nakaraan. Sa kabila nito, ang talakayan tungkol sa objectivity ay nagiging ibang isyu kapag ang mga katotohanan ay malisyosong binabaluktot o iniimbento na upang maisulong ang isang bagong naratibo. Ang pagtanggi sa mga abuso noong Batas Militar, ang maling representasyon ng mga datos upang itanghal ang panahon ng Batas Militar bilang isang golden age, at maging ang ang paglikha ng mitolohikal na ginto ng mga Tallano upang ipaliwanag ang ill-gotten wealth ng mga Marcos;[13] lahat ng ito ay uri ng malubhang pagbabaluktot ng ating kasaysayan. Ito ay aktibong nilalabanan ng maraming historyador hanggang ngayon.

Batas Militar bilang Kasaysayan ng mga Survivor

Ang pagsuko sa negasyon at pagbabaluktod ng mga katotohanan ng Batas Militar ay katulad na rin ng pagsuko ng laban ng mga Pilipino sa pagpapabagsak sa isang diktador. Maaaring tingnang insulto ito sa alaala ng mga namatay noong panahon ng Batas Militar, lumaban man sila para sa kalayaan o napatay man nang walang kalaban-laban. Karaniwang sinasabi na ang “kasaysayan ay isinulat lamang ng mga nagtagumpay (history is written by the victors).” Tila mas wastong sabihin sa sitwasyong ito na ang “kasaysayan ay isinulat ng mga nakaligtas.” Kahit masasabing ang 1986 People Power Revolution ay isang tagumpay, hindi masasabing payapa ang pinagdaanan ng mga nakaligtas sa Batas Militar.

Marami sa kanilang paghihirap ay nagtuloy pagkatapos, at hanggang ngayon ay dama, sa pagbabalik ng isang Marcos sa kapangyarihan. Kaakibat pa nito ang walang tigil na disimpormasyon sa social media at sa kakulangan ng ating sistemang pang-edukasyon upang tugunan ang hamono ng pagtuturo ng mga leksyon ng Batas Militar sa mga estudyante. Iisang kasaysayan lamang ang tinatanaw ng bagong henerasyon, ngunit kinakaharap nila ang suliranin na ang mga katotohanan ay maaaring baluktutin o itanggi. Masasabing ang huwad na naratibo ng Batas Militar na nagbubunyi sa mga Marcos ay dahan-dahan nang nakapasok sa kamalayan ng bayan at isa nang ganap na banta sa kung paano makakausad ang ating bansa.

Footnotes

[1] Human Rights Violations Victims’ Memorial Commission, Essential Truths about the Economy During the Martial Law Era (1972-1986), Quezon City: Human Rights Violations Victims’ Memorial Commission, 2020.

[2] Cristen Conger, “Introduction to How Revisionist History Works,” Thinker Education, inakses Abril 24, 2023; James McPherson, “Revisionist Historians,” American Historical Association, Setyembre 1, 2003, inakses Abril 24, 2023. Orihinal mula sa Ingles: “… a continuing dialogue between the present and the past.”

[3] “What is Historical Revisionism and How Does it Influence History?” Historyplex, inakses Abril 24, 2023. Ang katagang “revisionism” ay nag-uugat sa salitang Latin na “revidere,” na ang ibig sabihin ay “tingnang muli (to view again)”.

[4] “What is Historical Revisionism and How Does it Influence History?”

[5] Conger, “Introduction to How Revisionist History Works.” Ang “negationism” ay nag-uugat sa katagang Pranses na “négationnisme” na nangangahulugang “denial.” Karaniwan nitong tinutukoy ang denayalismo, ngunit nagagamit din ito upang tukuyin ang ibang pagkakataon ng manipulasyon o distorsyon ng kasaysayan

[6] Krixia Subingsubing, “Revisionism, denialism: Academics explain views on Marcos era,” Inquirer.net, Setyembre 22, 2020, inakses Abril 24, 2023.

[7] D. D. Guttenplan, The Holocaust on Trial, New York: W. W. Norton & Company, 2001, inakses Abril 24, 2023.

[8] Vikram Dodd, “Gas chamber claims impossible, says Irving,” The Guardian, Enero 13, 2000, inakses Abril 24, 2023. Tinanggal ni Irving lahat ng pagbabanggit niya sa Holocaust sa 1991 na bersyon ng kanyang libro. Ginamit ng abogado ni Deborah Lipstadt na si Richard Rampton, sa kaso ng libel na mababanggit mamaya, ang mismong salita ni Irving ukol sa pagtatanggal nito. Aniya, “kapag hindi nangyari ang isang bagay, hindi mo na dapat ito bigyan ng kahit isang talababa (if something didn’t happen, then you don’t even dignify it with a footnote).” Ang mga diskusyon sa Day 2 ng paglilitis (January 12, 2000) ay maaaring mabasa sa “Day 2 Transcript: Holocaust Denial on Trial,” Holocaust Denial on Trial, accessed April 24, 2023.

[9] Deborah E. Lipstadt, Denying the Holocaust: The Growing Assault on Truth and Memory (New York: Penguin Books, 1993), 174. Sa kanyang libro, ipinakilala ni Lipstadt si Irving bilang isang pamilyar sa ebidensyang pangkasaysayan ngunit “binabaluktot ito hanggang umayon sa kanyang ideolohiya at pulitikal na adyenda (bends it until it conforms with his ideological leanings and political agenda).”

[10] Irving v. Penguin Books Limited, Deborah E. Lipstadt (2000), High Court of Justice, Queen’s Bench Division, EWHC QB 115, British and Irish Legal Information Institute (online), inakses Abril 24, 2023. Sumang-ayon din si Gray na aktibong tumatanggi sa Holocaust si Irving, at isang anti-Semite at racist na karaniwang kumakabit sa mga ekstremistang right-wing na nagsusulong ng neo-Nazism. Sa kanyang paghuhusga, kanyang sinulat na “dahil sa kanyang ideolohiya, tuloy-tuloy at sadyang nagmanipula ng ebidensya si Irving (Irving has for his own ideological reasons persistently and deliberately misrepresented and manipulated historical evidence).”

[11] Associated Press, “Scholar who denied Holocaust jailed for 3 years,” NBC News, Pebrero 20, 2006, inakses Abril 24, 2023. Pansamantalang tinalikuran ni Irving ang kanyang pananaw sa Holocaust ngunit binalikan din niya ito matapos niyang mahatulan at makulong.

[12] Ambeth R. Ocampo, “Teodoro A. Agoncillo@100,” Inquirer.net, Nobyembre 8, 2012, inakses Abril 24, 2023. Orihinal mula sa Ingles: “what history is not biased?;” “history is never objective;” “History is written by every generation. Every generation writes its own history using the same sources. The interpretations vary according to time.”

[13] “FALSE: Filipino ‘royal family’ ruled over pre-colonial ‘Maharlika kingdom’,” Rappler, Pebrero 15, 2019, inakses Abril 24, 2023. Ang naratibo ng “Tallano gold” ay kathang-isip lamang. Walang katibayan na nagpapatunay na nagkaroon ng Maharlika Kingdom, na pagmamay-ari ng mga Tallano ang Pilipinas, o na nirepresenta sila ni Marcos sa korte upang patunayan ito.

[14] Orihinal mula sa Ingles: “there is no finality in history, and conclusions are, at best, temporary.” Isang kasabihang karaniwang binabanggit ng historyador na si Noel Teodoro.

[15] Lipstadt, Denying the Holocaust, 5.

Sangunian

  1. Associated Press. “Scholar who denied Holocaust jailed for 3 years.NBC News. February 20, 2006. Accessed April 24, 2023.
  2. Chua, Michael Charleston. “Historical Distortion.” August 2020. Manila STV, 6:08.
  3. Conger, Cristen. “Introduction to How Revisionist History Works.Thinker Education. Accessed April 24, 2023.
  4. Dodd, Vikram. “Gas chamber claims impossible, says Irving.” The Guardian. January 13, 2000. Accessed April 24, 2023.
  5. FALSE: Filipino ‘royal family’ ruled over pre-colonial ‘Maharlika kingdom’.Rappler. February 15, 2019. Accessed April 24, 2023.
  6. Guttenplan, D. D. “The Holocaust on Trial.” New York: W. W. Norton & Company, 2001. Accessed April 24, 2023.
  7. Irving v. Penguin Books Limited, Deborah E. Lipstadt (2000), High Court of Justice, Queen’s Bench Division, EWHC QB 115. British and Irish Legal Information Institute (online). Accessed April 24, 2023.
  8. Lipstadt, Deborah E. Denying the Holocaust: The Growing Assault on Truth and Memory. New York: Penguin Books, 1993.
  9. McPherson, James. “Revisionist Historians.American Historical Association. September 1, 2003. Accessed April 24, 2023.
  10. Ocampo, Ambeth R. “Teodoro A. Agoncillo@100.Inquirer.net. November 8, 2012. Accessed April 24, 2023.
  11. Subingsubing, Krixia. “Revisionism, denialism: Academics explain views on Marcos era.” Inquirer.net. September 22, 2020. Accessed April 24, 2023.
  12. What is Historical Revisionism and How Does it Influence History?Historyplex. Accessed April 24, 2023.